Cofradia Administration
❝Let us always endeavor to give ourselves as a docile instrument to the Blessed Virgin Mary, let us give Our Lady comfort in Her sorrow.If we explain and give the Immaculate to others, we bring Her more companions during Her grief.❞
GABAY AT PINUNO:
Parangal sa Patnugot ng Cofradia
at Gabay ng mga deboto ni Nana Choleng
Ating bigyang tuon ang mahal nating Reb. Pd. Virgilio Saenz Mendoza, ang fundador, patnugot at punong tagapayo ng Cofradia dela Virgen dela Soledad de Porta Vaga. Hindi lingid sa karamihan na siya ay itinuturing din na isa sa “Caballeros de la Virgen dela Soledad” at “Un hijo Verdadero de Cavite”, isang matatag at masikap na tagapagtaguyod ng debosyon sa nag-iisang Reina ng lalawigan ng Cavite. Isinilang noong ika 7 ng Pebrero taong 1957, anak nina Don Pedro Mendoza at Doña Concha Saenz. Nagtapos ng elementarya sa Paaralan ng San Roque, at sekondarya sa Pambansang Mataas na Paaralaan ng Cavite. Bilang isa sa mga sacristan na umaalalay kay Padre Pedro Lerena, ay nakitaan na siya ng matimyas na pag-ibig kay Kristo at sa Mahal na Birhen ng Soledad na nagbunsod sa kanya na magpatuloy ng pag-aaral sa pagpapari sa Divine Word Seminary. Dito niya higit na napalago ang kanyang buhay espirituwal at pananampalataya. Taong 1983 ng siya ay mahirang na isang Diakono, at noong ika 4 ng Hunyo taong 1983 sa Simbahan ng San Roque sa harap ng minamahal niyang Patrona, siya ay naging ganap na tagapaglingkod ng Panginoon na pinagtibay at inihayag ng lubhang kagalang-galang Felix Perez, DD, Obispo ng Imus. Mula noon siya ay buong pusong naglingkod sa Panginoon at sa Kanyang minamahal na Ina at Patrona, ang Mahal na Birhen ng Soledad ng Porta Vaga. Hindi dito nagtapos ang kanyang paglilingkod bagkus dito nagsimula ang higit niyang pagnanais na mapalago ang kanyang nalalaman sa kasaysayan lalo’t higit sa makulay na kasaysayan ng kanyang sinilangang bayan, ang Lungsod ng Cavite. Siya ay naglaan ng mahabang panahon ng pagsasaliksik at pag-aaral ng kasaysayan hindi lamang ng kanyang bayan kundi pati pagtuklas sa mahahalagang datos patungkol sa Mahal na Birhen ng Soledad. Matatandaan na siya ay nagsulat ng maraming sanaysay at artikulo patungkol sa lalawigan ng Cavite at sa makulay na tradisyon at kasaysayan ng Reyna ng Cavite. Dahil dito siya ay kinilala bilang isa sa mga tagapagtaguyod at tagapangalaga ng makulay na kasaysayan at tradisyon ng mga lehitimong Kabitenyo. Sa kanyang pagpapamalas ng pagmamahal at malasakit sa kanyang lalawigan at sa Mahal na Birhen ng Soledad, si Reb. Pd. Vir Mendoza ay nagkamit ng napakaraming karangalan. Sa kanyang mga homilya sa misa madalas nating naririnig ang mga katagang “Ang nagmamahal sa Cavite ay nagmamahal sa Birhen ng Soledad…walang higit na magmamahal sa Kanya kundi tayong mga Kabitenyo dahil kahit minsan hindi tayo pinabayaan ng La Virgen…” mga katagang tanging espesyal lamang kay Reb. Pd. Vir Mendoza, isang pagpapaalala sa ating lahat na tayo ay tagapag-ingat ng napakahalagang yaman ng sambayanang Kabitenyo, hindi lamang sa aspetong pang relihiyon kundi kaugnay din ng ating makulay na kasaysayan. Ang ating samahan ay lubos na nagpapasalamat para sa isang dakilang biyaya ng pagbibigay sa atin ng isang dakilang alagad ng Simbahan. Sa iyo Padre Vir, aming ipinaaabot ang aming pagmamahal at panalangin.