WHY is She the QUEEN OF CAVITE?
REINA DE CAVITE,
POR SIEMPRE SERAS!
ni Marco D. Dalma

Ayon sa ilang aklat ng kasaysayan, at kuwento ng hindi mabilang na matatandang Kabitenyo, isang epidemya ang nanalasa sa Lalawigan ng Kabite noong Oktubre, taong 1882. Dahil sa laki ng pinsala, si Don Juan Salcedo Y Mantilla de los Rios na siyang nanungkulan bilang Gobernador ng Lalawigan mula 1880 hanggang 1886 ay nag-utos na ipagpaliban ang pagdiriwang ng pamosong kapistahan ng Mahal na Birhen ng Soledad hanggat hindi nakakaahon ang buong Lalawigan mula sa nasabing kalamidad. Isang gabi, habang namamahinga dahil sa kanyang karamdamang dulot ng epidemya, sinabihan niya ang kanyang mga guwardiya na huwag magpapapasok ng kahit sino man sa kanyang kuwartel. Ngunit, sa kanyang pagkabigla, isang matandang babae ang naka damit ng itim ang kumatok sa kanyang pintuan. Sa kanilang paghaharap, hiniling ng babae na kanyang ipangako ang isang maringal na pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Soledad upang ang epidemya ay mawala. Dahil sa pagkainis sa pagkaantala ng kanyang pamamahinga, agad siyang sumang-ayon at nangakong tutuparin ang nasabing kahilingan, saka binigyan ito ng limos na ilang pirasong bariyang pilak na kanyang binalot sa puting panyo. Matapos lumisan ng matandang babae, dagli niyang tinawag ang kanyang mga guwardiya upang pagalitan dahil sa paglabag nila sa kanyang mahigpit na kautusan. Sa kanilang pagkabigla, sinabi nila sa kanya na wala silang nakikitang sinuman sa paligid. Sa gitna ng kanyang galit, naramdaman ng gobernador ang biglaang pagbuti ng kanyang pakiramdam, kung kaya’t dagli siyang dumalaw sa Ermita de Porta Vaga upang magpasalamat sa Panginoon. Sa kanyang pananalangin, nakita niya ang mga bariyang pilak na kanyang nilimos sa matandang babae na nakabalot pa sa puting panyo gaya ng pagkakabigay niya. Sa kanyang pagkabigla agad niyang napansin na ang panyo na may ilang pirasong pilak ay nasa paanan ng dakilang larawan ng Mahal na Birhen ng Soledad. Dito niya naisip at naramdaman sa kanyang puso na ang matandang babae na humiling sa kanya at nagpawi ng kanyang karamdaman ay walang iba kundi ang minamahal niyang Patrona, ang Mahal na Birhen ng Soledad ng Porta Vaga. Bilang pasasalamat sa pagkakaligtas at pagpapagaling sa buong Kabite mula sa mapamuksang karamdaman, iniutos niya na ipagdiwang ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Soledad ng buong ringal noong Enero 20-21, taong 1883. Pinagindapat niyang makiisa ang bawat namumuno ng mga bayan sa buong lalawigan na makilahok sa mga pagdiriwang. Sa araw ng kapistahan, ang lahat nga mga kampana sa buong Kabite ay pinatunog upang magbigay pugay sa kanilang Reyna. Ito ay sinabayan ng pagpapaputok ng mga kanyon sa kalapit na Puersa de San Felipe. Ang lahat ng mga gobernadorcillos ng bawat bayan sa lalawigan ng Kabite, kasama ang lahat ng kanilang mga opisyal (teniente mayores, jefes de policias, ganados, sementeras, tenientes, cabezas de Barangay at aguaciles) ay dumating na suot ang kanilang mga makukulay na unipormeng pamista kasama ang kani-kanilang mga banda musiko. Ang lahat ng mga kalsada ng Cavite Puerto ay pinalamutian ng naggagandahang mga arko at banderitas. Ang Calle Real ay kumikinang dahil sa mga nagkikislapang kristal at lampara na noo’y tinatawag na globos, virinas at bombas. Ang kalsada patungong Ermita de Porta Vaga ay puno ng mga sedera o pansamantalang tindahan. Ang kabuuan ng ruta ng prusisyon ng Birhen ay hindi lamang nagniningning sa liwanag kundi nalalatagan din ng mga mamahaling alfombra at natatakpan ng mga lona at panlayag ng banka upang mapangalagaan ang mga kalahok sa prusisyon sakaling bumuhos ang ulan. Si Genoveva Edroza, isang manunulat sa Pilipino, ay kahimang nagsabi na ang marangya at dakilang pagdiriwang ng pista ng San Diego na nabanggit sa Noli Me Tangere ni Dr. Jose P. Rizal ay tunay na nakabatay sa kapistahan ng Kabite. Sa gayon, ang Birhen ng Soledad ay tunay at marapat ngang itinanghal bilang Reyna ng Lalawigan ng Kabite.
Higit pa dito, noong taong 1892, si Don Julian Felipe, isang Kabitenyo na siya ring kompositor ng Pambansang Awit ng Pilipinas, ay nilikha ang awit na “REINA DE CAVITE” bilang bahagi ng mga pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birhen kasabay ng pagbubukas ng Exposicion Regional Caviteña. Ang mga titik ng nasabing awit ay halaw mula sa tulang “Himmo a la Virgen de Cavite” na isinulat ni Pd. Tomás de Andrade, rektor ng Pamantasang Heswita ng Kabite noong taong 1689.
Noong 1950's, ang lubhang kagalang-galang Obispo Cesar Ma. Guerrero, dating Obispo ng Pampanga at Tarlac, na ang mga ninuno ay nagmula din sa Kabite, ay pinahintulutan ang panalanging pinamagatang, "Nuestra Senora de la Soledad de Porta Vaga: CELESTIAL GUARDIANA Y PROTECTORA DE LA PROVINCIA DE CAVITE Y SU PUERTO". Ang banal na obispo ay nag gawad ng 300 araw na indulhensiya sa lahat ng mga sasambit ng panalanging ito. Noong Setyembre 8, 1961, si Msgr. Artemio Casas, na noo’y Vicar-heneral ng Maynila ay nagbigay ng reimprimatur sa nasabing panalangin.
Ang mga hindi mabilang na mamahaling alahas, adorno, kabilang ang dalawang korona ng Mahal na Birhen ay nagsisilbing tila palamuti ng makulay na pamimintuho sa kanya hindi lamang ng mga mananampalatayang Kabitenyo, kundi yaong mga nagmumula sa iba’t ibang dako sa loob at labas ng bansa. Ang maliit na korona na handog ng kanyang kabunyian, Rufino Cardinal Santos, ang unang Arsobispong Pilipino ng Maynila ay isa lamang sa maraming tanda ng pag-irog ng mga namumuno sa Simbahan sa Reyna ng Kabite. Ang malaking korona, na handog ni G. Arturo Manalac ay higit na pinaganda ng mga mamahaling bato na dulot ng mga deboto mula sa Estados Unidos. Nang mawala ang larawan noong 1984, ang adorno ng Birhen ay dagliang napalitan sa pakikipagtulungan ng maraming deboto, kung saan, walang pagdadalawang-isip na ibinigay ng mga nagmamahal sa Kanya ang mga suot nilang alahas bilang pasasalamat sa Kanyang muling pagbabalik.
Gayundin, ang pagbibinyag sa mga kababaihan sa Kabite ng pangalang “Soledad” ay isang tanda ng matimyas na debosyon sa Mahal na Ina na magpasahanggang ngayon ay bahagi ng kultura at tradisyon ng sambayanang Kabitenyo.
Ang matandang debosyon sa Birhen ng Soledad ng Porta Vaga ay ang maluwalhating korona ng pananampalataya at pagiging relihiyoso ng bawat Kabitenyo. Dito nakaukit ang mayaman at makulay na kasaysayan sa loob ng mahigit tatlong siglo. Buhat ng Siya ay dumating noong 1667, ang larawan ng Mahal na Birhen ng Soledad, ay inihahalintulad sa isang matatag na tanggulan na sumisimbulo sa isang dakilang pamana , Siya ay naging tanda ng matibay na panloob na katatagan na umaalalay sa Kanyang mga anak.
Ang mga katotohanang ito ay nailathala na sa mga pahina ng kasaysayan. Atin itong igalang at pagyamanin sapagka’t nuon, ngayon at kailanman ang La Virgen de la Soledad ang mananatiling nag-iisang Reyna ng ating mga puso, ang ating Reina de Cavite.